"Ol-rek" claro ba?

Aug 14, 2011

Puma-planking ka ba?

Sa tuwing nagbubukas ako ng Facebook ko, nakakakita ako ng mga kakaibang trip sa buhay. May mga mangilan-ilan na malulupet ang trip, saktong trip, steady trip, at may mga papansing trip. Oo alam ko, at naiintindihan ko na may mga "kanya-kanyang trip" lang ang lahat, at may kasunod 'yan na pasintabi-- "walang pakialamanan ng trip" o 'di kaya, "walang basagan ng trip". 'Wag kang mag-alala, medyo trip ko 'yong nambabasag ng trip lalo na kung pawang hindi ginamitan ng utak ang trip na 'yon. Kanya-kanyang trip lang 'yan diba?

Tulad ng nasabi ko, may mga "papansin" trip at isa na rito ang kinalolokohan ng mga tao ngayon lalo na sa Facebook, 'yung tinatawag nilang "Planking". Sa mga hindi pa alam kung ano 'to, nagmula raw 'to sa Europa (England) noong late 90s na sinundan ng mga bansang Japan, France, Australia, USA, New Zealand at "worldwide" na raw sa ngayon ayon sa pag-google ko at kung ano at paano ito gawin-- e i-google mo na lang. Saka malamang 'yan, isa sa mga dinami-dami mong kaibigan ang nakapag-like na ng page ng Planking.

Kung "worldwide" na ang usapan, talagang hindi pahuhuli ang mga Pilipino, sa katunayan nga, may tinatawag na silang "Planking Pinas" dito sa Facebook, lupet talaga ng mga Pilipino, ayaw pahuli e no? Bukod pa sa "Planking Pinas", hindi pahuhuli ang mga Kolehiyo't Unibersidad siyempre. Siguro isasama na rin nila 'yang Planking na 'yan sa UAAP at NCAA, tutal naman e nagkakaroon na ng mga iba't ibang grupo e. At least 'yon mabibigyan ng oportunidad ang lahat, hindi lang 'yong mga physically fit, mahuhusay, matatangkad at gayot sa naturang sports na 'yon ang mga pwedeng makilahok dito-- tutal naman ang sabi ng mga taong puma-planking e para sa lahat daw 'to.

Malamang nga't nagpapapansin lang ang mga pumaplanking sa daan at kung saan man, hayaan na natin sila-- kulang sa pansin e. Siguro nga'y talagang kulang sa pansin lang ang mga Pilipino, e kita mo naman kasi napapansin tayo ng ibang mga bansa dahil sa mga katiwalian at kahirapan ng bansa natin, kaya ba't 'di na lang tayo magpapansin sa ibang paraan tulad na lamang ng pag-planking sa kubeta't basurahan? Baka marahil sa ganoong paraan e, makalimutan ng mga taga-ibang bansa ang mga negatibong pananaw sa bansa natin.

Aaa, baka naman ang ibig sabihin lang ng pagpa-planking ng mga kabataang Pilipino ay nagpapakita lang ng kanilang pagka-bored sa mga nangyayari sa paligid sa panahong 'to. Pagka-bored sa ipinangakong konseptong "daang matuwid" ni PNoy. Marahil dahil 'to sa gutom at panget na sistema ng edukasyon ng bansa kaya naaapektuhan na ang kanilang mga kokote at nauuwi sa Planking na 'yan. Hindi na ako magtataka na baka sa darating na pangalawang SONA ni PNoy e mag-planking na lamang ang mga magpoprotesta sa labas ng Batasang Pambansa.

0 comments:

Futile Ideas

I

Si Ulrichk ay si Olrek, at si Olrek ay si Ulrichk.