"Ol-rek" claro ba?

Aug 14, 2011

Hithit buga

Sa July 1, 2011 paiigtingin na ng pamahalaan ang Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act. Sa madaling salita e, manghuhuli na ang mga blue boys (girls) o yellow boys (girls) o kung ano mang kulay ang suot nila, (basta MMDA) ng mga naninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Ilang beses ko na nakita sa mga balita sa telebisyon, nabasa sa mga dyaryo ang patungkol dito.


Siguro nga'y ito ay "big deal" sa mga nagyoyosi. Hassle pa 'to sa mga naninigarilyo dahil hindi nga naman makakayosi bigla-biglaan sa mga lugar na tinatayuan, tinatambayan, pinaghihintayan ng sasakyan o nilalakaran. Hassle din 'to sa mga pasosyal at nagkukunwaring nagsusunog ng kanilang mga baga. Isipin mo nga naman e, mababawasan ang kanilang pagpapasosyal, dahil mawawala ang kanilang hawak na Black Bat o Mild Seven o kung ano mang yosi 'yan na ginagawang status symbol. Medyo mababawasan ng charisma ang mga kabataang lalaki na ginagamit ang yosi para magmukhang tigasin o kung ano man. Malamang, medyo hihina ang kita ng mga kapehan sa Starbucks kung talagang masusunod 'to.


Sa kabilang dako nga naman, malamang matutuwa ang mga "side walk sweepers" dito. Bukod sa samu't saring kalat sa kalye, e mas marami ata sa palagay ko ang upos ng sigarilyo. Sa bagay, biruin mo nga naman e no, buong araw sila nagwawalis sa kamaynilaan, panay upos ng sigarilyo ang kanilang nawawalis. Malamang nga sa isang araw ng kanilang pagwawalis sa kalye, malabong hindi sila makakita ng mga upos. Ipagpapalagay na rin natin na mas mataas pa ang posibilidad na makawalis sila ng daan-daang upos sa isang araw kaysa sa makakita't makawalis ng bentesingko sentimos. Ewan, pero sa tingin ko ganun 'yon e.


Sakaling mahuli si Juan ng paninigarilyo sa mga tinakda ng MMDA na lugar na "no smoking", limandaang piso ang makakaltas sa bulsa bilang multa, kung walang maibabayad, edi walong oras ng "community service". Simple lang naman usapan diba? 'Yon nga lang e, paano ang mga kumikita ng mababa pa sa limandaang piso kada araw? Yung mga taong naghahanap buhay sa pamamagitan ng paglalako ng pagkain, gamit, atbp sa kalye, mga taong naghahanap buhay sa pamamagitan ng pagbabarker o pagtatawag ng mga pasahero para sa mga pampublikong sasakyan, 'yung mga taong naglalakad at nagmumuni-muni sa kalsada na naghahanap ng kanilang mapapasukan upang makapagtrabaho at iba pang mga taong nasa kalye sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay. Oo nga't hindi naman lahat sila'y naninigarilyo, subalit karamihan sa kanila ay may mga hithit na sigarilyo sa kanilang mga bibig. Ewan. Hindi naman siguro 'to magiging problema sa mga mahuhuli na mga party pipol na pagkasindi pa lang ng sigarilyo e tapon kaagad. Matalik na kaibigan nila si Ninoy e. At si Cory na rin pala.


Ok naman 'tong batas na 'to e, biruin mo nga naman kung MMDA ka na nanghuhuli ng mga naninigarilyo sa mga lugar na ipinagbabawal 'to, instant 500 pesos. Sa isang araw, maka sampung (10) mamamayan ka na mahuli, aba e, 5,000 pesos na 'yon, mahina pa nga ang sampu na mahuhuli mo. Naks may mga pang-cabaret na ule ang mga ungas. Bukod pa don e, sa ibang mga makokotongan mo dahil sa paglabag sa batas trapiko o trip mo lang hulihin, papatak ng daan-daan din 'yan. Bukod sa busog ka na sa umaga, tanghalian, meryenda at hapunan, mapapasaya mo pa si misis at ibang chiks mo, ayus diba?


Ang target ng MMDA ay maging "100% smoke-free metro" ang Metro Manila, sarap basahin at pakinggan, sobra. Baka sa pagkakataong 'to, magawa nilang 100% 'yan, di-tulad sa pangangala't pagsasabatas ng mga batas trapiko na nagreresulta ng mga sakuna sa bayan ni Juan.


Olrek

0 comments:

Futile Ideas

I

Si Ulrichk ay si Olrek, at si Olrek ay si Ulrichk.