"Ol-rek" claro ba?

Aug 14, 2011

Bukod sa elevator, madalas nating nakikita ang mga escalator sa mga malls, opisina, sa LRT at MRT stations at kung saan saan pa na may 2nd floor o 3rd floor, o kung saan man na mas mataas o mababa sa ground floor ng naturang istruktura. Pero teka, ano nga ba talaga ang escalator na 'yan? Hindi ako mechanical engineer o arkitekto o kung ano mang mekaniko, pero ayon sa about.com: "..transport device that moves people" at hindi rin daw pala ito ginamit noon as means of transport ng tao, for amusement lang daw noong una. Kaya pala noong bata pa ko, tuwang-tuwa ako rito dahil parang transformers ang dating, hindi nga lang nagtatransform pero ewan, parang ganun e. Pero yun nga, simple lang naman ang usapan sa escalator, dadalhin ka nito pataas man o pababa, pababa man o pataas. Kung sino man ang mga nag-imbento nito, paki-google na lang po.

Sa tingin ko lang, ang pinakagasgas at gamit na gamit na escalator sa Metro Manila ay ang mga nasa LRT at MRT stations. Ilang milyong paa ang umaapak rito araw-araw. Gusto mo ng statistics? Pakitanong na lang sa SWS survey, o di kaya sa google ulit. Pero ang pinakanakakaaliw at nakakatuwa sa lahat tungkol sa mga escalators ng LRT at MRT stations e ang paraan ng mga Pilipino sa pagsakay o paggamit nito.

Mga halimbawa kung paakyat:
i. Konting bwelo, sabay magaang pagtalon - bukod sa mga bata na ginagawa ito bago pa man tumuntong sa unang apakan ng escalator, may mangilan-ilan din ang gumagawa nito. Kadalasan yung mga magkasintahan na magkaholding hands e, ewan. Malamang namimiss nila ang kanilang pagkabata.
ii. Paghihintay ng tamang "timing" sa pagtuntong - iwas disgrasya malamang. Pero may mga ilang tao ang kulang na lang e, maghintay ng pasko bago pa man tumuntong.
iii. Para sa mga bagets na lalake: medyo may angas na may halong pag-aayos ng damit at buhok - pagtuntong sa unang tapakan ng escalator, lumilingon pa sa likod o kung saan man, sabay aayusin ang damit, kadalasan yung kwelyo e. Sabay hawak at pag-aayos ng buhok, lalo na mga one-sided na buhok na parang emo.
iv. Para sa mga bagets na babae: may class na may poise na maarte AT pasosyal - kadalasan 'to nangyayari sa mga chiks e, sa unang pag-apak sa escalator may tunong pa ng takong o di kaya napakagaan ng tapak. Sabay ilalabas ang salamin sa kikay bag at mananalamin. Mag-aayos ng buhok na parang pang-commercial ng shampoo, lalo na kung mahaba ang buhok. AT magsasabi ng "grabe so init naman"
v. Ilalabas ang cellphone at gagamitan ng front view camera ang sarili - hanggang sa escalator ba naman e, titingnan mo pa sarili mo? baka tinitingnan din ang nasa likod, baka chiks, hehehe.
vi. Sasandal sa hawakan o railings - ito ang pinakamadalas na makikita sa mga taong sasakay ng tren habang nasa escalator pa lamang. Ewan ko, pero marami ang gumagawa nito, baka pagod lang.
vii. Parak style - tatayo sa gitna ng apakan at hindi magpaparaan at mukhang ayaw ng may katabi. Nakastraight body pa.
viii. Run forrest run! - hango sa pelikula ni Tom Hanks na "Forrest Gump", tatakbo kahit wala pa naman ang tren. Lalahok ata sa Fun Run o di kaya sa mga "Run" na nauuso ngayon at nag eensayo na para mapalakas ang cardio.

Ewan, ilan lang ata ang mga 'yan sa mga paraan ng mga Pilipino sa pagsakay o paggamit patungong itaas ng escalator sa LRT at MRT stations. Sa kabilang dako naman e, ang paraan ng pagbaba.

Dalawa lang ang nakikita at napapansin ko e, ito ang mga sumusunod:

i. Steady at tamang cool lang - Pag-apak sa pababang escalator, steady lang. Tamang naghihintay lang ng biyahe pababa.
ii. Nagmamadali - maiintindihan ko at kung sino man kung talagang nagmamadali ang tao e lalo na sa klase sa eskwela o trabaho o kung saan mang duty ang pupuntahan ninuman. Pero kung minsan nakakairita at nakakagagong tingnan ang mga tao na nagmamadali pababa. Paunahan ata pagdating sa exit mismo ng istasyon e. Dalawa nga ang nilagay na means of passage doon sa mga istasyon e, isang konkretong hagdanan at escalator. Kung tatakbo kayo, doon na lang sa hagdanan. Bakit sa escalator kailangan pang tumakbo o magmadali pababa? Aaa, para mas mabilis, kasi moving nga naman. O di kaya, gusto nilang magburn ng fats para makalahok sa mga fun runs o marathon o kung ano mang takbuhan 'yan na nagiging "front" ng ibang mga tao para sabihin na sila'y healthy living people. Pwede ring may snatcher ng kwintas na nanggaling pa sa Quiapo at gumamit ng tren. Naisip ko rin baka nag-away ang magkasintahan at nauwi sa pag-eemo. Aaa, baka natatae lang?

Parang napapansin ko tuloy lalung-lalo na pagdating sa kaisipan ng pagmamadali pababa ng mga tao gamit ang escalator sa mga LRT at MRT stations na nagmamadali ang mga tao sa takbo ng panahon o oras upang hindi na rin siguro mapansin ang hirap na dinaranas ng bawat isa. Unti-unti na ring nauubusan ng pasensya sa paghihintay sa bawat pagpatak ng segundo't minuto ng buhay. O baka nangangahulugan lang ito na gusto nilang sulitin ang bawat pagkakataon sa paggamit ng transportasyon na ito AT kung maaari'y ulit-uliting ng mabilis dahil magtataas na ang pamasahe sa mga LRT at MRT stations.

Bakit kaya hindi tayo magmadali paakyat kaysa pababa? Sa bagay, nakakapagod nga naman ang paakyat. Kaya pababa na lang.


Olrek

0 comments:

Futile Ideas

I

Si Ulrichk ay si Olrek, at si Olrek ay si Ulrichk.