"Ol-rek" claro ba?

Nov 18, 2009

Manny

Noong nakaraang linggo, sinabing tumigil na naman ang Pilipinas dahil sa laban ni Manny Pacquaio kay Miguel Cotto. Siyempre, since tumigil ang Pilipinas, nangangahulugan lamang na lahat ay nakatutok sa kanikanilang mga telebisyon para lang masaksihan ang laban ni Manny. Ayon nga sa mga kapulisan natin, bumababa ang crime rate sa Pilipinas kapag may laban si Manny, nakakatuwa ano? Pero siguro kung ako yung kriminal, sasamantalahin ko na ang pagkakataon tutal naman tutok ang lahat sa laban e. Yun e, kung ako 'yung kriminal, pero hindi naman ako kriminal, kaya kalimutan na 'yun. Labo.

Nakakatawa rin noong araw na 'yon, maaga akong gumising para lamang makahanap ng live stream dito sa net. Marami kang makikitang may live stream e, pero kadalasan mga peke 'yung mga lalabas sa screen mo. Sinwerte lang ako na nakakuha ng stream dahil sa mga batchmates ko nung HS pa ko. Kaya salamat sa kanila. Pero going back, mapapansin na halos lahat ng mga Pilipino, kanya-kanyang diskarte sa panonood ng laban ni Manny. Siyempre naman, para sa mga may laman ang mga bulsa, idaan mo na lang 'yan sa mga sinehan ng mga Malls lalo pa man Live, BIG screen, at aircon ang loob. Pero hindi ko maalala kung magkano ang ticket pero malamang hindi hihigit sa limandaang piso (500 php) 'yan. Isama mo pa roon 'yung chibog mo sa loob, at kung may mga kasama ka man, e baka pati sila kailangan mong gastusan. Pagkatapos pa ng laban ni Manny, e san pa ba ang bagsak niyo? Edi sa mall pa rin, mas malakas ang posibilidad na gumastos ka pa, mall 'yan e! So, 'yung pagpunta't panonood sa mga sine ay para lamang talaga sa mga may laman ang mga bulsa, 'yun ang sa tingin ko a.

Siyempre naman, pagdating sa mga mall, reserved seating 'yan madalas e. Malasin ka man at hindi umabot ang sweldo mo sa takdang araw ng pagbili ng ticket o di kaya, hindi ka kagad nakadilhensiya sa mga kaibigan at sa mga magulang mo, 'wag ka mag-alala, may mga bar and restaurant tayo sa paligid-ligid. Balita ko, umaabot ng walong daan hanggang isang libo (800-1000 php) ang halaga na ilalabas mo rito. Mahal ano? Pero isipin mo na lang, may mga pakulo o promo ang mga bar and restaurant na 'yan. Siyempre, para masulit mo naman ang iyong binayad, may libre na silang almusal at tanghalian na kung minsan ay buffet pa! Panalo rin ano? Kita mo naman, habang nanonood ka, may pagkain kang nakahain sa harapan mo na hindi nauubos ang suplay. Bukod pa roon e, kung di ka FT o Food Trip, pwede ka namang mag TT o Toma Trip. Kadalasan kasi ang mga pumupunta diyan ay pamilya at magkakabarkada't kaibigan. Ito lang 'yon e, kung pamilya siyempre, FT 'yan, sakaling may totoma, panigurado si Daddy at Kumpare lang 'yan. Kung mga magbabarkada't magkakaibigan, malamang parehas 'yan, o di kaya TT lang. May mga promo o pakulo rin ang mga management ng mga bar and restaurant na 'yan pagdating sa toma. May mga 5+1, 6+1, at kung ano ano pang mga plus plus 'yan! Wala ka rin namang talo pagdating sa mga bar and restaurant, at balita ko, reserved seating din diyan e. Sulit din siguro ang pera mo. 'Yun nga lang, matapos niyong manood doon, malamang sa mall din ang bagsak niyo pagkatapos.

Nabanggit ko kanina na makakakuha ka rin naman ng live stream mula sa net. Kung may net ka sa bahay mo, swerte mo, matiyaga ka lang, may instant stream ka na ng laban ni Manny. Sakali mang wala kang net sa bahay mo, kung may kaibigan ka na may net, puntahan mo, at siyempre makinood ka. Pero kung masungit ang ermats ng kaibigan mo, nako 'wag ka na mag-aksaya ng laway o pagod, punta ka na lang sa mga internet cafe. Malamang 'yan punuan din ang mga 'yan dahil una, puntahan ang mga internet cafe dahil sa mga laro sa computer, DOTA at kung ano ano pang klaseng mga laro. Pangalawa, may mga gumagamit ng net para makapag Facebook, YM, Skype at kung ano ano pang kalokohan sa net. Pangatlo siyempre, ang mga nakikinood o nakikiusosyo sa mga nanonood ng laban ni Manny. Malamang 'yan, ang bantay ng internet cafe ay nanonood kaya hindi ka na rin mahihirapan kung saka-sakali. Kulangin man ang pera mong dala o kung wala ka talagang pera, makinood ka na lang sa bantay.

Pero kung ikaw 'yung tipong tamang tipid lang o di kaya wala ka lang talagang pera pampanood ng laban ni Manny ng live ayon sa mga nabanggit ko sa taas (Sine, Bar and Restaurant at Internet), pwes 'wag kang mawalan ng loob dahil may mga politiko/mga tatakbong politiko tayong mababait kahit papaano. Tulad na lamang sa barangay namin, naglagay sila ng malaking LCD screen na may live streaming ng laban ni Manny. O diba, napakabait no? Hindi lang 'yon, siyempre sa mga covered court ng barangay, mainit, covered nga e, kulob ang loob. Kaya namimigay sila ng mga pamaypay! Panalo talaga ang mga politiko/tatakbong politiko! 'Yun nga lang, may malalaking MUKHA nila na nakalagay mismo sa pamaypay na gagamitin mo, kabilaan pa! Talagang napakahusay ng mga tao. Heto pa, bukod sa mga mukha ng mga kasamahan mo sa loob na kapitbahay mo man o hindi, e siyempre, maraming nakapaskil o poster ang mga politiko/tatakbong politiko na makikita mo sa paligid mo. Kaya hindi rin mapupunta ang atensyon mo sa laban ni Manny. E paano pa kung undercard ang laban, siyempre hindi 'yan ang inaantay natin kaya magmumuni-muni ka muna sa loob, tingin dito, tingin doon. Pero ang punto, at least may mapupuntahan ka sakali mang tamang tipid ka o di kaya wala ka lang talagang pera pampanood ng laban ni Manny ng live! Libre 'yan.

Pero ito, kung talagang tamad ka lang sa buhay mo at wala ka talagang kapera pera o computer na may internet, 'wag kang mag-alala pwede mo namang buksan na lang ang telebisyon mo at ilipat sa channel na nagpapalabas ng laban ni Manny, 'yun nga lang, nanalo na si Manny sa laban niya, halos kasisimula pa lamang ng laban ng mga undercards doon sa pinanonood mo dahil sa sobrang delay! Masaklap pa e, sakaling nandun na sa laban ni Manny ang pinapakita ng istasyon na 'yon, e tatadtarin ka rin ng mga komersyals o advertisements. Bawat round 'yan, may mahigit pa sa tatlong minutong laban ni Manny ang air time. Nakakatawa pa niyan, diyan nagsusulputan ang mga komersyal at advertisements na minsan mo lang makikita sa talang buhay mo sa panonood ng regular sa telebisyon. Tulad na lamang ng pagkain ng mga manok at baboy atbp'ng mga komersyal na raket ng mga iba't ibang nilalang sa mundo. Ganun e.

'Yan ang mga paraan kung paano ka makakapanood ng laban ni Manny. Malas mo kung tulad ng laban ni Manny kay Ricky Hatton noong nakaraan bago kay Cotto, e dalawang (2) rounds lang ang itinagal ng laban. Hindi naging sulit ang ibinayad ng mga may pera sa sine, bar and restaurant at mga nag-internet sa mga internet cafe. Kahit papaano itong huling laban ni Manny e, sinulit naman niya ang mga pera ng mga kababayan niya, umabot ng labindalawang (12) rounds. Sulit na 'yun, nakatagal ka sa komportableng upuan ng sinehan at naenjoy mo ang mga pagkain at inumin sa mga bar and restaurant.

Dahil sa pagkakapanalo ni Manny kay Cotto, malaking pera na naman ang kanyang makukuha para makabili ng kanyang mga luho sa buhay at siyempre, magamit para sa kanyang pagkandidato sa susunod na halalan. Sa patuloy na pag-angat ni Manny sa buhay, mapashowbiz man o boxing o pera, mas lalo pa ring dumarami ang nagugutom sa lansangan sa Pilipinas. Ang mga taong ito ang nagiging masugid na taga-suporta ni Manny sa mga laban niya, tanggapin na natin ang katotohanan na napalaking porsyento ng mga kababayan natin ang lubog sa kahirapan at sila ang mga taong patuloy na naniniwala kay Manny. Marahil marapat na lamang na maging inspirasyon na lamang si Manny sa atin bilang isang Pilipino, hindi bilang bayani at hindi rin bilang isang politiko pagdating ng panahon pero kung paano niya inangat ang kanyang pamumuhay bilang isang Pilipino. Pinaghirapan din naman niya ang kanyang tagumpay. Kaya tayo bilang Pilipino, may laban din tayo sa buhay tulad ni Manny sa tuwing siya'y aakyat at lalaban sa ring, 'yun ang laban natin sa ating mga sarili kung tayo ba'y tunay na mga Pilipino.

0 comments:

Futile Ideas

I

Si Ulrichk ay si Olrek, at si Olrek ay si Ulrichk.