"Ol-rek" claro ba?

Nov 16, 2009

Anong pake mo?

Pinanganak ang mga tao sa mundong 'to na may buhok sa ulo, manipis man o makapal. 'Yun nga lang, kung minsan natuturingang "kalbo" ang isang sanggol kapag siya'y nag-aangkin ng manipis na buhok sa kanyang ulunan. Hindi ko maipinta ang mga kasagutan kung bakit aliw na aliw tayong magsabi ng "kalbo" sa isang tao. Kahit na kung minsan e, sadyang napaikli lang talaga ng kanyang buhok. Ang pagkakaalam ko, ang kalbo ay ang walang kabuhok buhok sa ulo. Tulad na lamang ni Bembol Roco. 'Yan ang solidong nilalang, talagang kalbo siya at nilalagyan na lamang ng langis o wax ang ulo para raw kaakit-akit na tingnan. Pangkabig: Talagang mahusay na artista 'tong si Bembol, mapakontrabida man o bida kahit na siya'y kalbo.

Noong bata pa ko, nagtataka ako kung bakit hindi naman gaanong talamak ang mga kalbo sa kalye. Kapanahunan pa ni Cory na sinundan ni Ramos noon 'yon. Sakaling ako ma'y makakita ng kalbo sa kalye, tuwang-tuwa ako. Hindi ko malaman kung ba't ko nakukuhang matuwa sa mga kalbo noon. Siya nga pala, lahat ng aking nakikitang mga kalbo noon, mga kalalakihan lamang. Marahil noon pa ma'y ang pagiging kalbo ay sadyang inilathala lamang sa mga kalalakihan. Sa bagay, ang kababaihan naman ay itinuturing na may mahabang buhok. Ganito lang 'yon e:

maikling buhok, kalbo = Lalake ; mahabang buhok = Babae

..ganoon noon e, parang may idinikta na sa mga tao na ang babae ay ganito, ang lalake ay ganyan. Ang labo.

Naalala ko pa noon, may nagsabi sa'kin tungkol sa kakalbuhan ng isang lalake pero di ko na maalala kung sino nagsabi sa'kin. Ang mga kalbo nga raw ay ang marka na ika'y nabilanggo. Kung sa bagay, ang lakas ng trip ng mga kapulisan e. Para may mapagtripan, kanilang kakalbuhin ang mga papasok sa bilangguan. 'Yun nga lang, hindi nila maaaring gamitin ang kanilang mga armas o baril dahil baka sila ang sumunod sa pila ng mga bagong pasok sa bilangguan. Naisip ko lang naman 'yan. Pero 'yun nga, marka ito na ika'y nabilanggo dahil sa loob, maaaring magamit mo yung buhok mo upang makapagtago ng mga armas na pampatay sa kapwa mo bilanggo. Siyempre, kung ikaw man ay may mahaba at makapal na buhok, tadtarin mo na ng karayom at patalim ito. Tiyak 'yun, may laban ka, pero siyempre, Bartolina ang abot mo pagkatapos. Kaya pakalbo ka na lang.

Sa panahon ngayon, ang pagiging kalbo ay nagiging simbolo na ng "coolness". Marami kasing kahulugan 'yan e, may mga taong ginagamit ang salitang 'yan para lang magpasosyal in relation sa pagiging kalbo. Subalit, may iba naman na ginagagamit ang coolness pagdating sa pagkakalbo ayon na rin sa teknikal na kahulugan ng salitang iyon.

Pahapyaw: Ang cool/ness ay kadalasan mong maririnig sa mga tambayan ng mga nakakaangat sa buhay o ang mga berdugo pagdating sa pera, ang mayayaman. Maririnig mo na lang sila, "Ang cool naman niyang bago mong hairstyle dude pare tsong tol, kalbo!" ...Tanginang 'yan! Hindi ko alam kung matatawa o matutuwa ako e. Ni hindi ko nga maintindihan kung ano ang cool sa kanila e, dahil alam ko ang cool ay cool, labo! Kaya kung ako sa'yo, punta ka dun, ikaw ang tumuklas sa kanilang coolness. Marami kasi 'yan e. May mga nakakairita talaga, may ibang bagay talaga, at may nakikigamit lang nito. Kumbaga, may cool talaga, may pa-cool, at hindi talaga cool na pilit ipinipilit sa sarili na siya'y cool. Kaawa-awa, nilamon ng sistema.
Sa kabilang dako naman, nagiging cool ang kalbo dahil totoo naman, cool o presko talaga ang pakiramdam sa ulo! Pucha naman, sino ba namang hindi malalamigan kung ganoon ang ulo mo. Madapuan lang ng kaunting hangin ang mga kalbo, cool na cool ang kanilang pakiramdam. 'Wag mo lang gaanong itapat sa aircon, mahirap na.

Isa sa mga paraan kung gusto mong makapag-ipon o makapagtipid habang ika'y kalbo, 'wag ka ng gumamit ng shampoo. Magkano ba ang shampoo sa suking tindahan? Ito'y naglalaro sa presyo ng apat at limang piso (4-5 php). Isipin mo na lang kung ika'y naliligo ng dalawa o tatlong beses sa isang araw, makakatipid ka rin ng halos dose hanggang kinse pesos (12-15php) dahil hindi mo na kinakailangang bumili ng shampoo! Ayos talaga ang mga kalbo, kailangan na lamang punteryahin ang katawan dahil binubuhusan lamang ang ulo ng tubig e. Labo.

Hindi ka lamang makakatipid sa pera, makakatipid ka rin ng oras kapag ika'y kalbo. Isipin mo na lang, pagkagising mo, kung ikaw ay may buhok, kinakailangan mo pang magsuklay kahit kaunti para namang maayos ang iyong sabog na buhok mula sa iyong pagkahimbing. Samantalang habang ikaw ay naliligo nga, hindi na kinakailangan pang pagtuunan ng pansin ang ulo mo, dahil ano pa nga ba't gagawin mo roon kundi buhusan lamang ng tubig. Matapos na maligo, hindi ka mamomroblemang mag-ayos ng buhok, magpatuyo ng buhok, maglagay ng gel o kung ano-ano pang kalokohan na inilalagay sa buhok. Ang pinakagusto kong matitipid mo sa oras kung ikaw ay kalbo, hindi mahahalatang ikaw ay hindi naligo, 'wag ka nga lang maaamoy, 'yun lang. Pero sakaling ang pagbabasehan ay pagtingin lamang, hindi mapapansin na ikaw ay hindi naligo e. Sakaling ikaw pa ay estudyante at alam mong male-late ka, 'wag ka na maligo at rekta na sa eskwelahan. Sabihin mo na lang sa kaklase mo sakaling ikaw ay maamoy nila, "hindi ako pumasok para amuyin niyo, pumasok ako para matuto" ...solid! Tss.

Marami pang mga benepisyo o kagandahan ang isang kalbo. Basta ba ikaw ay nagtataglay ng magandang korte ng ulo e, hindi mapapangitan ang mga tao sa estilo mong kalbo. Pero kung square ang ulo mo, 'wag ka na pakalbo, parang blokeng gulo ang ulo mo.

Kaya kung ikaw man ay interesado, maraming nagkalat na barberya rito sa Pilipinas, sa halagang kwarenta o singkwenta pesos (40-50php) kalbo ka na. Kung gusto mo naman, kumuha ka ng "razor", gawin mo sa harap ng salamin. Pwede mo ring sundan ang yapak ni Bembol, kumuha ka ng labaha at ahitin mo ang mga matitirang buhok sa iyong ulo.

0 comments:

Futile Ideas

I

Si Ulrichk ay si Olrek, at si Olrek ay si Ulrichk.