"Ol-rek" claro ba?

Oct 4, 2009

Zafranco?

Dumaan si Ondoy, marahil sa susunod na lamang ako magbibigay ng istorya tungkol doon. Kasabay na siguro ng mga litratong ginawa ko nung mismong araw ng bagyo. At isa pa, ang unang entry na gagawin ko dapat sa blog kong 'to e, ay natutungkol sa aking yumaong pinsan na si Giane. Pero sobrang nakakagago yung nakita ko sa net e, para bang gusto kong tumawa ng malakas and at the same time mainsulto?


Simula pa man noon na natuto akong magsulat ng aking pangalan, "Mark Ulrichk F. Zafranco" na ang nilalagay ko sa papel, sa mga test papers ko, libro, kwaderno, o kung saan pa na paglalagyan ng pangalan kong 'yan. Simula pa man noon na nagsimula akong mag-aral, lagi nang huli ang aking bilang dahil nga't nagsisimula sa letrang "Z" ang apelyido ko. Hanggang ngayon, bitbit ko ang apelyidong 'yan, siyempre 'yan yung nakalagay sa birth certificate ko e, kaya hindi ba obvious kung bakit 'yan ang gamit ko? Lahat ng mga sasabihin ko rito ay tungkol sa apelyidong 'yan.

Ang mga susunod na mababasa rito ay maaaring sang-ayunan o hindi sang-ayunan lalo na kung Zafranco o kamag-anak ko ang magbabasa. Maaaring magkaroon ng mga violent reactions kung sakaling mabasa man nila (mga Zafranco diyan sa iba't ibang lupalop ng mundo lalo na sa bansang America) ang mga nakapaloob dito sa aking napakatagal ng blog. Hindi bale, maaari naman kayong magbigay ng mga comment ninyo, wala akong pakialam kung ito ba'y negative o positive o kung ano man. Ang mga nakapaloob dito ay tanging produkto ng aking pag-iisip at damdamin sa mga oras na 'to.


Simulan natin pare.

Tulad nga ng nasabi ko sa itaas na "Zafranco" na ang bitbit ko eversince, actually wala naman akong pakialam talaga kung 'yon ang binigay sa akin na apelyido. Dahil wala akong magagawa, kinasal ang Nanay at Tatay ko, 'yon nga lang e, na-annuled kasi si Lalake nambubugbog, mukhang dinaig pa nga niya si Floyd Mayweather ee. Bakit? Eee paano ba naman, ni hindi man lang siya nagalusan! Tingnan mo nga naman e no, 'yan ang hirap e, hindi humahanap ng katapat. Nakuha pang manakit ng babae, lakas mo!

Kaya hayun si lalake lumipad tungong America upang magtago. Daig pa nga ang terorista e, ilang taon pa nagtago sa pamilya ni babae, marahil sa takot, nako malay ko. Siya lang makakasagot niyan. Sa America hayun, ang lakas magyabang na tipong siya ang hari ng espanya. Kulang na lang e lumuhod pati mga puti sa harap niya. Ang anak nama'y nakakatanggap ng mga materyal na bagay at maraming maraming baboy. Para kay lalake kasi, baboy ang nagpapatakbo ng mundo kaya hayun, limpak limpak na baboy ang ipinapadala sa anak. Eee ngayon si anak ay dalawampu't isang (21) taong gulang na at oo totoo na kailangan niya ng baboy upang mabuhay at lalung-lalo na makapag-aral at matupad ang kanyang mga mithiin sa buhay. Subalit, hindi mukhang baboy si anak e, sa likod ng kanyang isip, kanyang ninanais na makasama't makausap man lang si Tatay. Bukod sa mga materyal at baboy na hindi mo madadala sa hantungan mo, nakakatanggap din si anak ng mga malulutong na panlalait mula kay Tatay. Mapa-e-mail man, o mismong sa telepono, ee walang ligtas si anak sa mga salitang magpapagunaw ng mundo ninuman. Ang salitang "Bobo" ang pinakamalupet sa lahat, naniniwala ang bawat isa na wala naman talagang bobo sa mundo. Kahit na hindi pa 'yan nakapag-aral e, hindi bobo 'yan. Pero si Tatay, lakas talaga, lakas ng loob magsabi ng "Bobo" kay anak. SOLID e. Kung 'yon ang pamboost ni Tatay kay anak, nako, marahil siya ang bobo. (HAHA labo)

Si Tatay nga'y malayo na ang narating, nasa America siya e, ang layo nun tsong! Kung sa tingin niya, malayong-malayo na narating niya kaysa anak, pag-isipan niyang mabuti, baka magulat na lang siya kapag narealized niya na halos magkadikit lang pala sila. Naniniwala ang anak na ang pinagdaraanang hamon at pagsubok sa buhay ay nararapat, 'yan ang magpapakilala sa mundong ginagalawan at ng sarili mo kahit papaano. Siya nga'y matanda na't marami nang naranasan sa buhay ngunit ito ba'y kanyang nilalasap kahit na puno ito ng pighati't pagdurugo? Si Tatay lang ang makakasagot niyan.

Hindi kilala ni anak si Tatay, usapang pisikal man o mental o emosyonal o lahat na. Hayun! Kilala niya si Tatay sa pamamagitan ng boses, para bang si Charlie ng Charlie's Angels. Kung si Charlie hindi marunong pagsalitaan ang kanyang mga anghel ng maaanghang na mga salita, itong si Tatay kayang kaya, daig pa ang kontrabida sa mga palabas e. Marahil sasabihin ng iba kay anak, "wala kang magagawa, tatay mo 'yan e / kahit baliktarin pa ang mundo, tatay mo pa rin 'yan". Marahil sa teknikal na aspeto, oo Tatay ni anak 'yan. Siyempre nakasulat sa birth certificate ni anak e, wala talagang magagawa. Kumbaga, FACT 'yon. 'Yun nga lang e, si anak ay namumuhay ngayon na walang kinikilalang ama, hindi na niya kinakailangan pang makilala 'to. Kung sasabihin ng iba na si Tatay ang magpapakumpleto kay anak, diyan kayo/sila nagkakamali. Kahit ano pang sabihin ninuman, olats si Tatay kay anak. 'Wag ka ng magtanong, 'wag ka ng makulet, 'wag ka ng mag-isip.

Samantala, nakakatawa ang nakita ni anak sa net, marahil hindi ko kailangan pang banggitin ang eksaktong url o website na nakita ni anak sa mahiwagang Google. Ito'y tungkol pa rin siyempre sa apelyidong "Zafranco". Doon, nakita niya ang family tree ng Zafranco, ang saya saya. Nakita ni anak ang kanyang mga kamag-anak na noo'y kanyang tinatanong kay Nanay. Kahit mga pangalan at araw ng kapanganakan lamang ang nakapaloob doon ay maituturing na ito bilang mahalagang impormasyon kay anak. Natural, nandoon ang pangalan ni Tatay. Kaya't kanyang kin-lick ang ngalan at lumabas ang pangalan ng kanyang asawa't mga anak. WOOOO!

Si Tatay + Bagong asawa = Dalawang anak
(Ayon sa aking ibang impormasyon tatlo ang anak ni Tatay)

Hindi naman kinakasama ng loob ni anak ang nakita ukol sa pamilya ni Tatay. Wala 'yon. Ang nakakagago lang kay anak e, sa angkan na alam niya't kinalakhan, ay hindi man lang niya nakita ang kanyang pangalan bilang parte ng kanilang pamilya. Marahil 'yon ang katotohanan dahil sa simula't simula pa lamang, hindi ramdam ni anak na siya'y kabilang sa pamilyang 'yon. Maaaring ang apelyido ay dinugtong lamang upang sa gayon ay magkaroon ng apelyido si anak. Kung ano pa ang rason, bukas ang comment page ko sa ibaba ng entry na 'to. So, sakali pa lang sumikat si anak sa mga darating na mga panahon at bitbit ang apelyidong 'to, ee sila pa ang makikilala't mapupuri? Lakas talaga! SOLID!

Hindi naman sa kinaaayawan ni anak ang apelyido subalit 'yon ang namumuo sa kanyang isipan. Wala rin plano si anak na magpalit ng apelyido. Ang masasabi lamang ni anak, "Hindi nila ko kilala bilang Zafranco, mas lalong hindi ko kikilalanin ang mga Zafranco kahit pa gumanaw na ang mundo. Kayo ang nagpapabigat ng loob ko, hangga't nabubuhay tayo pare-parehas, hindi matatapos ang galit ko sa inyo. Hindi ako titigil na pabagsakin ang pangalan niyo, sa inyo ang halakhak ngayon, akin ang huli, itaga niyo pa sa lahat ng batong matatagpuan niyo sa mundo!"

'Yan ha, wala kang narinig sa'kin na mura, naging maingat ako sa pananalita ko pero tikman niyo ang unang pasabog ko sa inyo!

Ulrichk

0 comments:

Futile Ideas

I

Si Ulrichk ay si Olrek, at si Olrek ay si Ulrichk.