"Ol-rek" claro ba?

Nov 6, 2008

2006: takot

Lumipas na ang All Saints Day at All Souls Day. Sa buong buhay ko yatang gumagawa ng entry dito sa blog ko eh, hindi ko pa nasusubukang makapagsulat tungkol sa mga araw na 'yan. Ma-try nga...

All Saints Day o kapag isinalin ko sa Filipino eh, Araw ng mga Santo at Araw ng mga kaluluwa ('yan ay ayon sa aking pagkaka-translate, pagpasensyahan niyo na). Simula pa nung bata ko hanggang ngayon (konti na lang ngayon, katiting na lang, ganito oh, hehe), 'yan ang araw na kinatatakutan ko. Bakit? Eh paano ba naman, diyan nagliliparan ang mga kwentong katatakutan sa kalye, at kung saan saan pa. Hindi ko maintindihan kung bakit 'yan ang napili ng ibang tao na magtakutan. Naisip ko, pwede namang magtakutan habang patay ang mga ilaw sa bahay o di kaya trip lang, pumunta sa madilim na lugar para lang manakot na sa tingin ko umaabot na sa panggagago. Marahil na rin dahil 'yan ang araw ng mga patay o kaluluwa. Pero ang ipinagtataka ko, bakit pa sila nagtatakutan, pwede namang maging taimtim ang celebration nito. Tulad na lamang ng pagdarasal at pag-aalala sa ating mga yumaong mga mahal sa buhay. Sadyang nakakagago ang mga tao dahil imbes na sila'y magdasal para sa kanilang mga mahal sa buhay na yumao na eh, nakukuha pa nilang manakot sa iba sa pamamagitan ng mga istoryang nakakapanindig balahibo, at kung ano ano pang raket. Ewan ko ba. Sadyang napakakomplikado ng pag-iisip ng tao kaya nagagawa nila 'yan.

Hindi naman natin sila masisisi kung 'yan ang kanilang gawain dahil maaaring ito'y naipasa lamang sa kanila ng kanilang mga kaninu-ninuan.

Naisip ko lang, sila Rizal kaya nung bata sila, nakukuha pa kaya nilang magtakutan sa gitna ng umuusbong giyera sa Pilipinas? May mga naisulat kaya si Rizal tungkol sa mga katulad ni Freddy ng Elm Street? Nakakapagtaka rin eh no. Eh kapag sumasapit ang mga araw na 'yan noong panahon pa ng Himagsikan, nakukuha pa kayang magsuot ng maskara at manakot sa daan nila Bonifacio? O di kaya nagkukwento kaya sila ng mga nakakatakot na mga istorya sa mga bata tuwing sasapit ang Araw ng Patay o Kaluluwa? Marahil hindi 'yan naitala ng ating kasaysayan. Pero sa tingin ko, hindi na rin nila maiisipang gawin 'yon dahil mas matatakot sila marahil sa mga buhay na mga Kastilang sundalo o di kaya sa mga Heneral at Prayle na kayang kumitil ng buhay.

Nang dahil sa konsepto ng pananakot eh, naisip ni Mader Lily na makagawa ng pelikula ang Shake Rattle & Roll. Aaminin ko, nung kabataan ko, sobrang takot ako sa pelikulang 'yon. Hinding-hindi ko makakalimutan 'yung Undin na lumalabas sa inidoro sa kasilyas. Ilang araw din sigurong di ako makatae at makaihi ng mag-isa sa kasilyas namin. Nagpapasama pa ko para may "watcher" ako sakaling may dumakot ng pwet ko habang nakaupo sa trono at ginagawa ang nakakapanindig balahibong ritwal. Sa kabutihang palad wala akong narinig o nabalitaan na nagsakit sa tumbong nang dahil sa Shake Rattle & Roll ni Mader Lily. Hindi lang tungkol sa Undin ang pelikulang 'yon, maraming kwento rin ang mapapanood dun. Para sa'kin, ayos at sakto lang naman 'yung pelikula sa tuwing binalik-balikan ko 'yon dahil yumaman siyempre si Mader Lily kasama ang mga producer at iba pa. At siyempre, kahit papaano eh, ito'y natangkilik ng mga Pilipino. So dahil dun, kahit papaano kumita ang movie industry ng Pilipinas. 'Yun nga lang eh, mas lalo nitong pinalakas ang konsepto ng katatakutan sa isip ng mga Pilipino.

Kung dati eh, ang konsepto ng pananakot ay hindi gaanong makateknolohiya eh, kumbaga, since nanggaling ito sa mga probinsya ang mga kwento lang ay tungkol sa mga manananggal, tiyanak, at tikbalang (di ko na maalala 'yung iba eh). Ngayon pucha, lumalabas na sa TV eh, high tek diba! Si Sadako na lumalabas sa TV o di kaya kapag napanood mo yung video na may sumpa galing sa kanya. Ang malupet nun, dati matatakot ka dahil sa hitsura nila, kakaiba eh, nakakatakot talaga. Ngayon, pagkatapos sumayaw sayaw ni Sadako papunta sa'yo, ipapakita niya 'yung mata niya, at dun ka mamamatay sa takot. Wild eh no? Hindi lang 'yon, may iba pa nga kong napanood, tumatawag na sa cellphone at telepono yung multo! Sadyang malupet na sila at sumasabay na rin sa teknolohiya ng mundo.

Kaya hayun, nang dahil sa pananakot o katatakutan maraming nabubuong mga tao. Dahil kung sila'y nasa dilim at nagtatakutan, ang maaaring mangyari eh, yakapin ni babae si lalake. Lalung-lalo na kung sobrang matatakutin si babae. At nang dahil sa dilim, pananakot may mga nabubuong relasyon na humahantong sa pagbuo ng isang tao. Ganyan katindi ang konsepto ng katatakutan.

Talagang hindi na natin marahil mapipigilan ang pagkalat ng kaisipang 'yan at ang maipasa ito sa ibang henerasyon dahil ito'y parte na rin ng ating kultura't katauhan natin bilang mga Pilipino. Ang akin lang, 'wag natin gawing araw ng katatakutan ang mga araw ng mga patay o kaluluwa. Respetuhin natin sila dahil kanila ng nilisan ang mundong ibabaw, 'wag sana natin sila gamitin para manakot ng iba. Sila na'y nananahimik at namumuhay sa kabilang buhay. Atin na lamang sila ipagdasal at igalang sa mga araw na 'yon. 'Wag tayong gumaya sa ibang kultura, itaguyod ang sariling atin. Maging taimtim at tahimik ang mga araw ng mga patay o kaluluwa upang maipakita't maipadama ang ating pagrespeto't paggalang sa kanila ganoon na rin sa ating mga yumaong mahal sa buhay.

Aking ineextend ang aking panalangin sa mga yumao kong kamag-anak at kaibigan, kina Lolo Erning, Lola Lucy, Tio Iyo, Tita Linda , Lola Naty, Lola Apong, sa asawa ng kapatid ng Lola, sa kaibigan at kaklase ko nung High School na si Renan, kamag-aral ko nung Grade School na si Credo, at sa lahat ng mga namayapa na...

0 comments:

Futile Ideas

I

Si Ulrichk ay si Olrek, at si Olrek ay si Ulrichk.