Ngayon ko lang muling naalala, isang beses na papasok ako sa eskwela at sumakay ng jeep papuntang LRT-2 Anonas station, nakikipag-kwentuhan ang jeepney drayber sa isang pasahero. Kanilang pinag-uusapan ang kanilang mga Lolo. Malinaw kong narinig dahil malapit lamang ako sa kanila ang mga katagang "Wala ka sa Lolo ko..." Napatigil at nakinig ako sa kanilang usapan, puro "Wala ka sa Lolo ko..." ang tanging mga narinig ko. Tipong hindi ko na mawari kung sila ba'y naggagaguhan, talagang nagyayabangan lamang sila o 'di kaya isa na 'to sa mga humuhubog ng Kulturang Pilipino?
Noon pa man, lagi ko nang naririnig ang mga katagang 'yan, madalas ko 'tong naririnig sa mga walang pantaas na baro na mga manong na nakatambay sa tindahan ni Aling Nene habang sila'y umiinom ng gin bilog sa tanghaling tapat. Ang kanilang napag-uusapan ay pawang puro Lolo nila-- oo kung minsan di'y napag-uusapan ang kanilang mga asawa. Umabot pa nga sa punto na nabuo sa'king kamalayan noong bata pa ako na ang imahe't konsepto ni Batman at Superman ay mula sa mga Lolo. Kaya't aking naisip na itanong 'yon sa'king sariling Lolo subalit napangunahan ako ng takot dahil baka siya'y magalit kapag napag-alaman ko ang mga sikreto ng mga Lolo-- na galing sa kanila ang imahe't konsepto ni Batman at Superman. Marahil nanatili na 'to bilang isang "banat" o pampayabang ng bawat Pilipino.
Nagtataka nga ako dahil hindi ko man lang narinig na sumikat ang mga katagang: "Wala kayo sa Lola ko..., Wala kayo sa Tatay ko..., Wala kayo sa Nanay ko..., Wala kayo sa kapatid ko..., Wala kayo sa kapitbahay ko..., Wala kayo sa Ninong ko... atbp'ng mga Wala kayo sa _______ ko" Bakit kaya? Siguro kung meron man, hindi nun kayang higitan ang mga katagang "Wala kayo sa Lolo ko..."
Naisip ko lang kung ang mga apo nila Emilio Aguinaldo, ang dating unang ginoo na si Jose Miguel "Mike" Arroyo (FG), at Andal Ampatuan Jr. ay nagsasambit din ng mga katagang "Wala kayo sa Lolo ko..." Sakaling ang mga apo ng mga taong nabanggit ay magsabi ng mga katagang 'yon, ano naman kaya ang kanilang mga sasabihin? Ilan lang ang aking naiisip na maaari nilang mapagyabang o sambitin sa kanilang mga sarili o mga kaibigan, at ito ang mga sumusunod:
Sakaling ikaw ang apo ni Emilio Aguinaldo, maaaring maging banat mo ang mga 'to:
- Wala kayo sa Lolo ko dahil siya ang Unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil siya ang nasa Limang pisong papel noon.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil siya ang nag-utos na mabura sa eksena si Andres Bonifacio, ganun na rin ang utol nito.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil siya ang nagbenta sa Pilipinas sa mga kamay ng mga Amerikano, tumanggap daw siya ng $800,000!
- Wala kayo sa Lolo ko dahil kahit maraming kontrobersiyang bumalot sa kanyang imahe, e tinuturing pa rin siyang isa sa mga Pambansang Bayani ng Pilipinas.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil mas kinikilalang bayani ang angkang Aguinaldo kaysa sa mga Bonifacio.
Sakaling ikaw ang apo ng dating unang ginoo na si Jose Miguel "Mike" Arroyo (FG), maaaring maging banat mo ang mga 'to:
- Wala kayo sa Lolo ko dahil siya ang unang ginoo noong namumuno ang kanyang asawa na si Gloria Macapagal-Arroyo ng halos siyam (9) na taon.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil naging pinakamakapangyarihan na babae sa Pilipinas ang asawa niya.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil nakapagbukas siya ng maraming bank accounts sa iba't ibang sulok ng mundo.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil sangkot siya sa kontrobersiya ng Jose Pidal.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil may mga helicopters siya at naibenta pa niya sa PNP na mga second hand naman.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil nalasahan na nila ang kaban ng bayan ng Pilipinas.
Ee kung ikaw ang apo ni Andal Ampatuan, Jr. sa tingin ko ang pinakamalupet mong mababanat ay ang mga sumusunod:
- Wala kayo sa Lolo ko, Datu 'yon!
- Wala kayo sa Lolo ko dahil alam mo ba yung Maguindanao Massacre? Lolo ko ata ang promotor nun!
- Wala kayo sa Lolo ko dahil malakas ang kapit nila sa pamilyang Arroyo.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil kung pupunta ka man ng Mindanao, e medyo safe ka na dahil sa mga resbak ng Lolo ko.
- Wala kayo sa Lolo ko dahil hindi mahahatulang guilty 'yan at malakas ata ang impluwensiya namin sa hustisya ng Pilipinas!
Ilan lamang ang mga nabanggit na banat na pwedeng maging angkop sa mga taong nabanggit. Kayo na mag-isip na iba pang mga banat, hehe. Wala talaga tayong ibabatbat sa mga Lolo na nabanggit, malamang maaari na sila maging mga kalaban ni Batman at Superman. Subalit isa lang ang masasabi ko sa sarili kong Lolo at marahil sa Lolo niyo rin-- wala kayo sa Lolo ko dahil siya ay may totoong dangal at prinsipyo sa buhay. Mabuhay ang mga Lolo! Gayon na rin ang mga Lola hehe.
Eee Ikaw, ano masasabi mo sa Lolo mo?
Olrek